by Cielo Sarno
Nabalot ng dilim, may sikat man ng araw.
Maalab kong puso, nilamon ng ginaw.
Bakal na kasuotan, sa takot ay nalusaw.
Pangakong paghayo, ‘di maaninag, ‘di matanaw.
Diwa ko’y nalunod sa hapdi ng Iyong paglisan.
Nananaghoy ang pusong balot sa kalungkutan.
Saysay ng aking Pagsunod naglaho ang kahulugan.
Galak ng alala Mo’y tinangay ng kamatayan.
Tumalikod sa Iyo, humakbang palayo.
Ninais magkubli, kabiguan ay itago.
Daan ay tinahak, ngunit saan patutungo?
Kung sa piling Mo lamang natatahan tanging puso?
Sa aking pag-iisa, katauhan ay nangungulila.
Binabalikan ang kahapon, pait ang naaalala.
Ngiting dati’y nasa labi, sa hinagpis ay nabura.
Mga matang nagluluksa, nakadungaw ay luha.
Sa kadiliman ng gabi, minsan ako’y naakit.
Lumabas sa hawla, pinagmasdan ang langit.
Niyakap ko ang dilim, sa kawalan ay gumuhit.
Larawan ng Pagpanaw Mo, may pag-asang nakaukit!
Cielo is a seminarian in regency from the Archdiocese of Cotabato. He is presently working in the Campus Ministry and Social Involvement Office of Ateneo de Iloilo.
Leave a Reply